One Godly Vote

Simbahan at Halalan

Maging matalino sa pagboto, paalala ng Obispo sa botante

Binigyang diin ni Malaybalay Bishop Noel Pedregosa na kaakibat ng pagmamahal sa Panginoon ang pagmamahal para sa bayan.

Ito ang paalala ni Bishop Pedregosa na kasaping Obispo ng CBCP – Episcopal Commission on Family and Life (ECFL), kaugnay sa kahalagahan ng partisipasyon ng bawat mamamayan sa nakatakdang 2025 National and Local Elections.

Ayon sa Obispo, mahalagang maging matalino at pagnilayan ng bawat isa kung sino ang karapat-dapat na ihalal sa nalalapit na halalan.

Paliwanag ni Bishop Pedregosa, kabilang sa dapat na hanaping katangian ng mga botante ang mga kandidatong may tunay na hangaring maglingkod sa bayan, isusulong ang katarungang panlipunan at may higit na pagpapahalaga hindi lamang sa kapakanan ng mga mamamayan kundi maging ng kapaligiran at ng kabutihang pangkalahatan o ang common good.

“Love of God is love of country, so please let us discern well and let us elect the candidates who is a lover of mankind, lover of ecology, lover of the poor and promoting common good, promoting justice.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Pedregosa sa Radio Veritas.

Kaugnay nga nito patuloy ang panawagan ng Simbahan sa bawat mamamayan na maging mapagbantay sa halalan at tuwinang manindigan sa katotohanan.

Batay sa tala ng COMELEC, aabot sa mahigit 69.6 na milyon ang bilang ng mga rehistradong botante para sa nalalapit na 2025 National and Local Elections kung saan sa bilang na ito 63-porsyento ay mga kabataang kabilang sa Millennials at Gen Z na edad 18 hanggang 44 na taong gulang.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top