Tiniyak ng Diocese of Kidapawan ang patuloy na paggabay sa mga mamamayan upang makapamili ng wastong lider na tutulungang mapaunlad ang kanilang pamumuhay.
Ito ang tiniyak ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, President ng Caritas Philippines kung saan nananatiling nuetral o walang pinapanigan ang Diyosesis sa mga nahalal o kumakandidatong pulitiko.
Inihayag ng Obispo ang pagpapalawak ng voters education upang mapalalim ang discernment ng mga botante sa pagpili sa mga pulitikong nararapat maihalal upang mapabuti ang kalagayan ng nasasakupang Diyosesis.
“More kami sa nuetral stand, although mayroon yung aming social action program dito, yung ministry namin, nag-oorganize ng bantay balota, pero hindi talaga kami, you know wala kaming klaro na sinusuportahan na publicly na sinusuportahan, off course bawat pari, bawat tao ay mayroong choices pero hindi kami involve, wala kaming team patay atsaka team buhay,” ayon sa panayam ni Bishop Bagaforo sa programang Baranggay Simbayanan.
Ayon pa sa Obispo, bagamat wala pang nagaganap na pakikipag-ugnayan sa koalisyon ng ‘Halalang Marangal’ ay nag-uumpisa narin ang mga paghahanda ng Kidapawan Parish Pastoral Council for Responsible Voting para sa nalalapit na midterm elections sa darating na Mayo 2025.
“Yan ang isa sa mga formation, election, education campaign na aming ginagawa, pinapahayag yan, pero wala kaming sinasabi na itong particular person ay dapat natinng suportahan, walang ganun, very nuetral kami dito sa Kidapawan, sa North Cotabato itself,” bahagi pa ng panayam kay Bishop Bagaforo.
Sa datos ng Philippine National Police at Commission on Elections, umaabot sa 1,239 ang bilang ng mga lugar na maaring maging election hotspot sa nalalapit na halalan dahil sa tumaas na election related incident.