Binigyang diin ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang responsibilidad na kaakibat ng tinatamasang kalayaan at demokrasya ng bansa matapos ang EDSA People Power Revolution noong 1986.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Youth chairman at Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon, ang kalayaang tinatamasa ng bansa sa kasalukuyan ay hindi lamang isang biyaya sa halip ay isang hamon at responsibilidad para sa bawat isa na ipagpatuloy ang paninindigan para sa demokrasya ng bansa na ipinaglaban ng mga Pilipino mahigit apat na dekada na ang nakakalipas.
Pagbabahagi ng Obispo, ang paggunita ng ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ay isa ring hamon para sa bawat Pilipino na patuloy na protektahan at bigyang halaga ang kalayaang tinatamasa ng bansa sa pamamagitan ng paninindigan sa kabutihan, pagkapantay-pantay at katarungang panlipunan. “Huwag nating kalilimutan na our freedom is also a gift and a responsibility, kailangang pangalagaan natin ito and we continue to do the good and seek for justice, for fairness as we also have personal na conversion, pagbabago ng sarili, pagbabago ng community sapagkat kailangan ito para patuloy tayong umunlad at ito naman ay tugma at akma sa panawagan ni Pope Francis yung synodality, so yun po let us continue to cherish the freedom that we have at the same time protect it and uphold it and then let us do our part.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Alarcon sa Radyo Veritas.
Paliwanag ni Archbishop Alarcon, mahalaga ang tuwinang pagpapamalas ng bawat mamamayan ng malasakit at pagmamahal para sa bayan kaya naman umaasa ang Arsobispo na hindi kailanman manaig ang kawalan ng pakialam ng bawat isa sa mga nagaganap sa lipunan.
Giit ng Arsobispo, maraming iba’t ibang paraan upang maipamalas ng bawat indibidwal ang pagmamahal para sa bayan kabilang na ang aktibong pakikibahagi sa mga nagaganap sa komunidad, at iba pang mga gawain na makakatulong sa kapakanan ng bayan tulad na lamang ng pagboto sa mga karapat-dapat na mga opisyal ng pamahalaan.
“From the dictatorship and yung situation na hindi maganda, we as a people nagpakita ng ating concern para sa bayan at gayundin pareho pa rin na sana huwag tayong maging indifferent, yung indifferent parang wala na tayong pakialam, we just close our eyes and keep silent, but yun [sana] to continue to uphold truth, goodness at yung kabutihan o beautiful, the true, the good and the beautiful. Yung patriotism pagmamahal sa bayan sa country sana hindi mawala sa atin yun and yung pagmamahal sa bayan can take different forms katulad na nga yung different engagement sa mga ginagawa natin sa barangay, sa city o municipality.” Dagdag pa ni Archbishop Alarcon. Matatandaang September 23, 1972 ng malaman ng mamamayang Pilipino na nagsimula na ang Martial Law o ang Batas Militar sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ngunit September 21, 1972 ang opisyal na petsang nakasulat sa Proclamation 1081. Batay sa tala sa ilalim ng Martial Law, umaabot sa 3,000 ang sinasabing pinaslang dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng rehimeng Marcos Sr. habang tinatayang umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at rehimeng Marcos.
Nagwakas ang Martial Law at ang rehimeng Marcos sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution noong taong 1986 na naging inspirasyon ng iba’t ibang bansa upang isulong ang kani-kanilang kasarinlan sa pamamagitan ng pagkakaisa sa halip na paggamit ng dahas